Tuesday, May 14, 2013

Nakaraan

Mahirap kalimutan ang mga bagay na talagang nagdulot sa iyo ng kasiyahan lalo na't ang mga ito'y pinahalagahan mo ng lubusan. Ngunit kailangan mo ding tanggapin na ito ay pansamantala lamang at magiging alaala na lang ng nakalipas na pangarap at panahon o di kaya naman ay magiging bahagi na lang ng isang nakaraang hindi na maibabalik kailanman. Nais mo mang ibalik ngunit hindi na maaari sapagkat naganap na. Parang isang halamang nalanta sa gitna ng parang dahil sa sikat ng araw na kahit paulit-ulit nang diligan ay hindi na maibabalik ang nawalang buhay nito.

Lagi mong naiisip na sana'y maulit muli. Hindi mo namamalayang sa paglipas ng pahahon, ika'y nakukulong na ng lubusan sa mga rehas ng iyong nakaraan. Ang buhay ay napaka-ikli lamang kung iyong titingnan. Kung patuloy kang mamumuhay sa mga bagay na nakalipas na, hindi ka magiging ganap ng malaya't maligaya.

Habang lumilipas ang panahon, malalaman mo din ang sagot sa mga katanungan na patuloy na naglalaro sa iyong isipan dahil sa mga pasakit na iyong naranasan.. Patuloy kang nasasaktan sa tuwing ang mga ito'y pumapasok sa iyong isipan, ngunit dapat mong mapagtantuan na pagtanggap lamang ang kailangan upang makamtan mo ang tunay na kalayaan sa nakapangungulilang nakaraan.

Laging pakatandaan na ang lahat ay may kadahilanan kung bakit ito nangyayari na minsa'y mahirap maunawaan dahil sa mga matang nagbubulag-bulagan sa katotohanan. Nararapat lamang na ipagkatiwala sa Maykapal upang malaman at maranasan ang tunay na kaligayahan na nagtatagal at hindi mapapawi kailanman.

Kapatid, huwag mabuhay sa mga nakaraang nagiging hadlang upang mamuhay ka ng malaya. Isuko na sa Kanya yaong lahat ng mga bagay na matagal mo nang hinahawakan ng mahigpit. Makikita mo ang malayang pagkilos Niya sa buhay mo. Piliing maging malaya.

No comments:

Post a Comment